WORKERS’ RIGHTS WATCH ALERT!
Ngayon ay Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa. Makasaysayan ang araw na ito sa mga manggagawa para igiit ang nakamit at binabawi na ngayong mga tagumpay at karapatan. Kaya naman, sa kabila ng lockdown dahil sa pagkalat ng COVID-19, tuloy ang pagkilos ng mga manggagawa para ipanawagan ang kanilang mga hinaing para sa kalusugan, kabuhayan at karapatan.
Iba’t ibang porma ang isinalubong ng mga manggagawa at mamamayan sa buong bansa. Mula sa pagsasagawa ng community kitchen o tinawag nilang ‘Kusinang Manggagawa’, mga protesta online (Selfie protest, virtual rally, online cultural activity, atbp) at nariyan din ang paglulunsad ng mga noise barrage, o kalampagan habang nagpapatupad ng karampatang pag-iingat (physical distancing) sa mga komunidad at pagawaan.
Imbes na pakinggan ang hinaing ng mamamayang balisa na sa nararanasang gutom at kahirapan sa gitna ng krisis, ang tugon ng administrasyon ni Duterte rito ay ibayong panunupil, pag-aresto at pandarahas.
Ito ang ilan sa namonitor at naitala naming insidente ng panunupil at paglabag sa karapatang pantao kaugnay ng Araw ng Paggawa:
• Kagabi, Abril 30, bisperas ng Mayo Uno ay namataan ang mobile at motor ng pulis sa paligid ng Pambansang Himpilan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Quezon City
• 42 katao ang inaresto ng kapulisan sa Jaro Plaza, Iloilo City kabilang si Fr. Marco Sulayao nang sinubukan ng mga itong magsagawa ng isang caravan bilang pagluluksa at pagkundena sa marahas na pamamaslang kay Jory Porquia isang aktibista at lider ng Bayan Muna
• 10 boluntir ng cure covid at Bayanihang Marikenya Marikenyo ang inaresto habang nagsasagawa ng community feeding program sa Brgy. IVC, Marikina City. Kabilang dito ang 2 guro sa Batibot Early Learning Center na sina Teacher Lita Malundras at Ronel Artizuela at Gabriela Staff at Pinoyweekly correspondent na si Joan Bernadette Paz at 7 PUV drivers
• 16 manggagawa umano ng Coca-Cola sa Sta. Rosa, Laguna ang sapilitang pinasuko ng AFP-PNP katuwang ang kasabwat nilang manggagawa na si Medellin ng upang palabasing sila ay mga rebel returnees o mga dating NPA at gamiting pang-black propaganda laban sa unyon
• 2 manggagawang miyembro ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ang inaresto sa Rodriguez, Rizal. Ito ay sina BMP Vice President Lito Rastica at Reynaldo Dulay
UPDATE:
– 18 katao, kabilang ang 4 na boluntir ng Tulong Kabataan, mga driver at residente ang inaresto at dinala sa Camp Karingal matapos ang paglulunsad ng Kusinang Kabataan sa Brgy. Central, Quezon City
– 4 na miyembro ng Kilos Na homeless sa Valenzuela ang inaresto matapos makita diumano ng mga pulis ang larawan nila sa social media na nakiisa sa mga panawagan ngayong araw