PANDEMYA, PANUNUPIL MONITOR OCT-DEC issue:
New Normal sa Ilalim ni Duterte: Panunupil at Kapabayaan
Makasaysayan ang Taong 2020 sa lahat. Napakaraming mga pangyayaring lokal at pandaigdigan ang bumago sa takbo ng kinasanayang buhay ng nakararami. Kung sa Pilipinas iyan, nariyan ang mga sunud-sunod na disaster at kalamidad mula sa pag-aalburoto ng Bulkang Taal, Bagyong Ulysses, Rolly, Vicky at iba pa.
Kung sa pandaigdigan naman iyan, wala na sigurong hihigit pa sa tindi ng epekto sa lahat, kundi ang pandemyang COVID-19. Sa isang iglap, nagbago ang takbo ng lahat ng aspeto ng buhay ng mga tao dahil sa imbisibol, ngunit nakamamatay na kalaban.
Malubha ang naging epekto nito sa kalusugan, kabuhayan at karapatan ng mamamayan.
Lahat apektado, lalo’t higit iyong mga matagal nang nasa laylayan ng lipunan, lalo pa at matagal nang naghihingalo ang sistemang pangkalusugan sa bansa. Milyon-milyon din ang nawalan ng trabaho at kabuhayan.
Lalo pang pinatindi ang paghihirap ng mamamayan dahil sa mabagal at baluktot na tugon ng pamahalaan dito. Sa maagang yugto ng pagkalat ng COVID-19 sa ibang bansa at maging sa Pilipinas, matatandaang ipinagkibit-balikat lang ito ng gobyernong Duterte. Binalewala ang panawagan para magpatupad ng travel restrictions hanggang sa nagsimula na ngang qdumami ang kaso sa bansa. Kahit ang napaka-lohikal na signipakanteng tugon na libreng mass testing ay hindi rin pinakinggan. Ang ayuda namang tanging inaasahan ng mga apektado ng pandemya ay kulang at mabagal ding nakakarating sa mga nangangailangan.
Samantala, ang pinakamahabang lockdown sa mundo ay mas itinuon sa panunupil sa mga kritiko at simpleng mamamayan, imbes na sa medikal na solusyon. Kaya naman, hindi nakakagulat na hindi nito napababa ang “curve” ng mga kaso ng COVID sa bansa. Sa kasalukuyan nga ay halos kalahating milyon na ang nagkakasakit nito sa Pilipinas. Patuloy pa itong tumataas, kasabay ng pagluwag sa mga restriksyon upang buhayin ang naghihingalong ekkonomiya.
Sa ilalim ng militaristang lockdown ni Duterte, nakita natin kung paanong ang militaristang lockdown na ito ay nagdulot ng patong-patong na paglabag sa karapatang pantao. Nariyan ang pagbibilad sa araw ng mga lumalabag sa COVID-19 protocols, pambubugbog sa tindero ng isda na lumabag din umano sa quarantine at si Winston Ragos na pinatay ng pulis dahil pa rin sa quarantine violations.
Higit pa riyan, tahasang ginamit ang pandemya upang paigtingin ang atake sa mga aktibista at masugid na kritiko ng administrasyon. Dali-daling isinabatas ang Anti-Terrorism Law na gagamiting armas laban sa mga itinituring na kalaban ng estado, kahit iyong mga sibilyan na nakikibaka para sa pagbabagong panlipunan.
Walang habas din ang panunupil sa mga protesta. Noong mismong May 1 na Araw ng mga Manggagawa, 76 na mga aktibista’t manggagawa ang inaresto sa iba’t-ibang protesta sa bansa. Kahit ang Piston 6 na ilan sa mga jeepney driver na nananawagan lamang na pabalikin na sila sa kanilang kabuhayan ay inaresto rin.
Ang harassment at red-tagging ng mga aktibista sa pamamagitan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay pinatindi rin sa gitna ng pandemya. Talagang dito iginugol ng rehimen ang lakas, oras at pondo imbes na unahin ang pangangailangan ng taumbayan sa gitna ng pandemya.
Pinag-ibayo din ng administrasyon ang iligal na pag-aresto sa mga aktibista, pagtatanim ng ebidensya at pagsasampa ng gawa-gawang kaso. Ang pinakahuli nga ay isinagawa pa noong mismong Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao kung saan inaresto ang 7 aktibista sa iba’t-ibang lugar. Sila ay tinaguriang HR Day 7, binubuo ng 6 na organisador ng mga manggagawa at isang mamamahayag.
Ang mga pamamaslang ay nagpapatuloy pa rin. Ilan sa mga lider aktibista ay brutal na pinaslang sa gitna ng pandemya. Nariyan sina Carlito Badion, Secretary General ng Kadamay; Jory Porquia ng Bayan Muna-Iloilo; Randall Echanis, National Chairperson ng Anakpawis, Jose Jerry Catalogo ng National Federation of Sugar Workers at ang pinakahuli ay ang mag-asawang Eugenia Magpantay at Agaton Topacio na pawang consultant ng NDFP at may iniindang malubhang karamdaman.
Higit pa sa COVID-19 ang kapahamakang dulot ng new normal ni Duterte na batbat ng panunupil at kapabayaan. Walang habas nitong niyuyurakan ang karapatang pantao ng mamamayan, habang kaliwa’t kanan ang kawalang aksyon sa pangangailangan ng mamamayan. Para pagtakpan ang kapabayaan, katiwalian at kapalpakan nito, pinipilit nitong patahimikin at takutin ang mga aktibista at kritiko sa pamamagitan ng matinding panunupil. Huwag nating hayaang mamayani ang ‘new normal’ na ibinabandera ni Duterte. Ngayon higit kailanman kailangan ang mahigpit na pagkakaisa ng mamamayan para biguin ang paghahari bilang isang diktador at ang ibayong paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan.