Si Nanay Teresita at Silang mga Daud
Noong nakaraang buwan, Hunyo 2017, isinagawa ng mga minero mula sa Mindanao ang “Lakbayan”. Ang “Lakbayan” ay isang kampanya na isinagawa ng mga minero mula sa Mindanao para iparating sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno sa Maynila ang kanilang kalagayan sa mga minahan, at panawagang tulong at agarang aksyon sa mga iyon. Itinayo ng mga minero at manggagawa ang kanilang “Kampuhan” sa harap ng tanggapan ng Department of Labor and Employment sa Intramuros, Manila at sa Mendiola Peace Arch sa Malakanyang.
Ang “Kampuhan” ay hindi kagaya ng karaniwang kampo na alam natin. Wala ruong mga sundalo at mga baril at mga granada o bomba; hindi rin kumportable at hindi maaliwalas, walang mga kwarto, at hindi iyon gawa sa mga bakal at magagandang materyales. Kampo ‘yon ng mga karaniwang tao. Kampo ‘yon ng mga minero at manggagawa., kampo ng mga pobre. “KamPOBRERO”. Kampo ng mga pobreng obrero. Ang haligi ng “KamPOBRERO” ay mga kahoy at kawayan. Nilagyan ‘yon ng bubong gamit ang mga trapal. Samantala, nagsilbing dingding naman ang mga tarpaulin at telang may nakasulat na mga panawagan na nagsasabing: WAKASAN ANG KONTRAKTWALISASYON! IBALIK ANG MGA TINANGGAL NA MANGGAGAWA SA MINAHAN!
Bagama’t mapapansing walang pisikal na pundasyon ang “KamPOBRERO”, pinatibay naman ito ng malawak na hangarin ng mga minero at manggagawa para sa higit na mabuting kalagayan ng mga manggagawa, sa buong bansa, sa buong mundo, at malalim na dedikasyong ipanawagan at ipaglaban ang mga iyon – gaano man kalayo ang lalakbayin, gaano man kahirap, gaano man katagal, at kahit walang kasiguraduhang may papansin at makikinig.
Mula sa ilang beses na pagbisita, pakikipagkwentuhan, at pakikipamuhay ng aming grupo sa “KamPOBRERO” – kaming mga mag-aaral ng Sosyolohiya sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, na kasalukuyang intern sa Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR)– maraming bagay at mga aral kaming nalaman, natutunan at namina. Hindi lang pala mga kahilingan at panawagan ang dala-dala at bitbit ng mga minero at mga manggagawa sa minahan. Bukod sa mga ‘yon, bitbit din nila ang mapapait na kwentong buhay sa loob ng “KamPOBRERO”. Mga totoong karanasan ng mga totoong tao – mga taong pinapahirapan at nahihirapan, mga taong marunong malungkot, marunong magalit, marunong ding magmahal, at marunong lumaban.
Isa si Nanay Tereseta sa mga nakakwentuhan at nakasama namin.. Si Nanay Tereseta ay isa sa maraming “LakBAYANI” – katawagan o bansag sa mga manggagawa at minerong kasama sa “Lakbayan” – na nagsasakripisyo para ipanawagaan, o igiit, sa gobyerno ang kanilang mga karapatan bilang manggagawa, bilang minero, bilang katutubo, bilang tao.
Tubong Surigao del Norte, Mindanao si Nanay Tereseta. Isang katutubo, isang Lumad – (kolektibong katawagan o bansag sa ibat-ibang grupo ng mga katutubo sa isla). Isa siya sa maraming manggagawa at minero na nagtatrabaho sa Adnama Mining Resources, Inc. (AMRI). Ang AMRI ay isa sa mga malalaking minahan sa Mindanao, na umuubos sa yaman ng Mindanao, isa sa mga minahang nanloloko at nananamantala sa mga katutubong Lumad, manggagawa at minero, at isa sa mga pangunahing minahang sumisira, at pumapatay, sa kabundukan at kalikasan ng Mindanao.
Kwento ni Nanay Tereseta, humigit kumulang labindalawang (12) taon nang nag-o-operate ang AMRI sa Mindanao. Copper o tanso at nickel ang pangunahing minimina nito. Pero ani Nanay Tereseta, at iba pang mga minero ng AMRI na nasa “KamPOBRERO”, “copper lang ang “declared” o sinasabing mina ng management ng AMRI”. Itinatago raw ng AMRI na mayroon din itong miniminang silver at ginto na iniluluwas sa iba’t ibang mga bansa.
Sa kabila naman ng maraming mina, at malaking kita, napakababa ng sahod ng mga manggagawasa AMRI. Pumapatak lang sa halagang Php. 280.00 para sawalong oras na pagtatrabaho sa isang araw ang kanilang sinasahod.
Dahil napakababa ng sweldo na Php. 280.00 sa isang araw, at kahit idagdag pa ang sweldo ng kanyang asawa na nasa katulad ding halaga, hindi ito nagkakasya sa mga pangunahing pangangailangan ng pamilya nina Nanay Tereseta. Mayroon silang limang anak – apat na lalaki at isang babae. Tatlo sa kanila ang nag-aaral na dapat pero dahil sa ganitong kalagayan, napilitang huminto sa pag-aaral ang mga ito. Wala na ni isa sa limang anak ni Nanay Tereseta ang nakapag-aaral pa sa ngayon. Aniya, dati ay tinitiis pang lakarin ng kanyang mga anak ang tatlong kilometrong highway kahit walang laman ang t’yan, dahil wala silang pambili ng bigas, para lang makapasok sa eskwela. Pero ngayon, tuluyan na silang huminto sa pag-aaral, Pareho nang natanggal sa AMRI sina Nanay Tereseta at kanyang asawa, kapwa sila nasa rotation schemeng AMRI.
Ang “Rotation” ay pagtatrabaho ng mga manggagawa sa AMRI. Pero hindi ito kagaya ng karaniwang rotation na magpapalit ng shifting ang mga manggagawa at minero, mayroong pang-umaga, mayroong pang-gabi; hindi rin ito ‘yong rotation ng trabaho o partikular na gawain. Paliwanag sa amin ng mga manggagawa at minero na nasa “KamPOBRERO”, sa rotation mayroon lang isang buwang kontrata ng trabaho(halimbawa, June 1- 30) ang mga manggagawa o minero. Pagkatapos ng isang buwan, matatanggal na sila at maghihintay ulit ng ilang buwan, o taon, bago muling makapasok at makapagtrabaho sa AMRI. Rotation ito sa paraan ng pagpapalit ng mga manggagawa kada buwan. Walang batayan kung bakit at sino ang tatanggalin at tatanggapin. Naisip tuloy namin, ang rotation scheme sa AMRIay siklo o cycle nang paglalaro sa buhay at kabuhayan ng mga manggagawa, ng mga minero, ng mga katutubo.
Hindi lang pala sahod at rotation ang problema ni Nanay Tereseta at kanyang mga kasamahan. Sobra rin daw ang diskriminasyon sa mga manggagawa at minerong katutubo sa AMRI. “Hindi po nabibigyan ng meryenda ang mga ‘Bisaya’ (ito ang tawag ng management ng AMRI) sa mga Lumad) tuwing oras ng meryenda”, sambit ni Nanay Tereseta sa kalagitnaan ng aming kwentuhan. “Sinubukan din po naming “maki-suga” sa kuryente, o ‘yong makiusap na makikabit ng kuryente sa AMRI para magka-ilaw sa aming bahay, hindi naman po kasi malayo kaya posible, pero hindi kami pinayagan kasi hindi raw kami marunong”, dagdag na paliwanag niya sa hindi pakikinabang ng mga Lumad sa programa ng AMRI.
Sa loob ng mahabang panahong walang pagkukunan ng panggastos sina Nanay Tereseta at kanyang asawa dahil sa rotation scheme at sa diskriminasyon, dapat sana ay babalik sila sa mga dating kinagisnang kabuhayan, ang pangangahoy at pagtatanim. “Pero kapag po kami ay nangangahoy, pinagbibintanggan kami ng illegal logging, pinuputol daw po namin ‘yong mga puno, pero ang totoo, pinupulot lang po namin ‘yong mga tuyong kahoy, sanga”, pagpapatuloy ni Nanay Tereseta. Kung tutuusin nga naman, higit silang na may karapatan a sa kabundukan at sa kalikasan kumpara sa AMRI. Pero bakit sila ang pinagbabawalang mabuhay nang maayos sa lugar na ‘yon? Bakit sila pinaparatangan ng mga kasalanang hindi naman nila ginawa? “May trabaho kami sa minahan na environmental rehab, tataniman namin ‘yong mga lupang namina na, pero pagkatapos noon, inaangkin nila ‘yong lupa pati na ‘yong mga tanim”, dagdag pa ni Nanay Tereseta.
“Kami po dapat ang may-ari at nakikinabang sa mga kalikasan at kabundukan, ancestral domain po namin ‘yon, kami ang mga “daud”, kami ang dapat bigyan ng lupa, pero sa halip, binigyan nila kami ng trabaho na hindi tama, hindi regular, walang maintenance”, patuloy na salaysay ni Nanay Tereseta.
Napabungtong-hininga kami, nakikita na ngayon ang mga matinding epekto ng pagmimina, ang polusyon, pagdumi ng mga ilog, pagkaubos ng mga likas na yaman, pagkasira, at pagkamatay ng kalikasan. Sinira na ng mga minahan, kagaya ng AMRI, ang kabundukan at kalikasan, pati na ang tirahan ng mga katutubo, ng mga Lumad, kasama ang bahay nina Nanay Tereseta na sinagasaan ng mining road. Wala na rin, at hindi na napapakinabangan, ang dating mga taniman dahil sinakop na ng mga minahan; sa ngayon, hindi na ito taniman,isa na itong minahan sa ngalan ng Adnama Mining Resources, Inc.
“Sino naman po ang tutulong dahil nasira na ang mga ilog at kalikasan?” tanong at hamon ni Nanay Tereseta habang nakatingin siya sa amin.“Kapag naman po nagtanong kami tungkol sa aming trabaho, tungkol sa mga nangyayari sa aming lugar, kapag nagreklamo kami, nagtayo ng unyon at lumaban, o kagaya nitong ginawa naming “Kampuhan”, pinaparatangan kaming mga New People’s Army (NPA), rebelde”, pagdidiin, na may pagkagalit, at pagkundena.
Dahil parehong sumama sa “Lakbayan” at “KamPOBRERO” sina Nanay Tereseta at kanyang asawa, hindi namin naiwasang itanong kung sino ang naiwan sa kanilang mga anak. Nakatungo at medyo nangingiyak niya ‘yong sinagot, “Si Reynan po ang naiwan, yong anak ko na 20 years old, siya po ang tumatayo ngayong Nanay at Tatay sa kanilang magkakapatid. Nagtatrabaho rin po siya sa AMRI, pero tumawag s’ya kamakalawa, sinabing natanggal na rin s’ya, at maghihintay ulit ng rotation. Nangangahoy po s’ya simula kahapon para may pangkain sila.”
At natahimik kaming lahat. Saka namin napansing marami palang ibang nakikinig bukod sa amin. Mga manggagawa sa minahan at mga minerong siguro ay may mga ganoon ding mapapait na kwentong buhay.
Tinapos ni Nanay Tereseta ang aming kwentuhan sa pamamagitan ng isang hiling, “Sana po makatulong kayo sa pagpapaabot namin ng aming panawagan kay Pangulong Duterte para ibalik at gawing regular kami sa trabaho.” Pagkatapos noon, muli s’yang tumungo, parang nahihiya, at saka sinabing, “Kung kaya n’yo rin po sanang makapag-ipon ng kahit anong tulong, ng “pamaleta” pabalik sa Surigao”. Ang ibig-sabihin ng “pamaleta”, ayon sa mga nasa “KamPOBRERO”, ay pasalubong para sa mga naiwan duon o kaya ay pamasahe pauwi dahil kapos sila sa pera.###
*Pahabol na tala: Ang Adnama Mining Resources, Inc. (AMRI) ay nakabase sa Mandaue, Cebu City at nagmamay-ari ng ibat’ibang minahan, kasama na ang 1,000 ektaryang minahan ng nickel at tanso sa Claver, Surigao del Norte, kung saan naninirahan sina Nanay Tereseta. Kilalang kaibigan ni Pangulong Duterte ang President ng AMRI na si Fernando Borja. Ka-partner ng AMRI ang Oriental Synergy Corp, isang Chinese mining company.###