Bukas na Liham para kay Lola Flora (Bb. Susan Roces)
Dear Lola Flora/Bb. Susan Roces,
Pagbati po ng isang mapagpalang araw!
Marami po sa amin ang inyong masugid na tagasubaybay at lubos ang aming paghanga sa inyo lalo na inyong papel bilang si Lola Flora sa palabas na “Ang Probinsyano” – puno ng malasakit sa kapwa at marubdob ang hangaring makamit ang katarungan para sa lahat.
Sumulat po kami sa inyo, sa ngalan ng mga manggagawa ng Peerless Producers Manufacturing Corporation o PEPMACO – kumpanyang gumagawa ng Champion brand ng detergent bar, powder, fabric conditioner, Hanna shampoo at surfactant na pang-eksport.
Marami rin po sa mga tagahanga ni Lola Flora ang tumatangkilik sa inyong ineendorso, lalo pa’t sabi nga po ninyo sa inyong patalastas ng Champion, tapat po kayo sa mga mamimili. Kaya nais po naming iparating sa inyo na maaring naging tapat ang Champion sa mga mamimili, pero hindi sa mga manggagawa nito.
Ito po ang kalagayan ng mga manggagawa ng PEPMACO-kumpanya sa likod ng Champion:
Mayroong mahigit 600 manggagawa ang PEPMACO sa kanilang planta sa Airstrip Silangan Industrial Park, Canlubang, Calamba City, Laguna. Sila ay mga production at machine operators, packers, bar operator at iba pa. Bagama’t marami sa kanila ay 5-10 taon nang naninilbihan sa kumpanya, itinuturing pa rin silang mga kontraktwal na manggagawa dahil dumaan sa mga manpower agencies ang kanilang pagpasok sa PEPMACO. Ibig sabihin araw-araw nag-aalala ang mga manggagawa na anumang oras ay maaari silang tanggalin ng Pepmaco. Sa katunayan nga po, tinanggal ang halos 70 manggagawa nitong Enero at Marso 2019, kasama ang Bise Presidente ng kanilang unyon, dahil sa ibat-ibang dahilan umano na ibinibigay sa kanila ng manedsment. Ililipat daw sa ibang kumpanya ang ibang manggagawa, habang ang iba ay talagang tinanggal na. Sa kasalukuyan ay wala ni isa sa kanila ang pinabalik sa trabaho.
Naliligalig din po ang mga manggagawa dahil sa iba-ibang sakit at aksidente sa loob ng pabrika. Sa kabila ng napakaraming kemikal na ginagamit sa produksyon, hindi maayos na naibibigay ng kumpanya at ng mga manpower agencies Personal Protective Equipment (PPE) sa mga manggagawa, kaya naman lantad sila sa panganib na dulot nito sa kalusugan. Marami na po sa kanila ang nagkaroon ng sakit sa baga, nasusunog ang balat dahil sa mga kemikal at mayroon ding mga naiipit ang daliri dahil ng mga makinang kanilang ginagamit.
Subalit, di tulad sa CHAMPION, na sapat nang panlaba ang ilang takal lang ng powder o isang bareta sabon, ang sahod ng mga manggagawa ay di sasapat sa pangangailangan. Tumatanggap po lamang sila ng Php373-396 kada araw at pwersahang pinag-oovertaym ng apat na oras. Meron din namang mangilan-ngilan na P420/araw ang kita. 12 oras bawat araw silang nagtatrabaho at halos lahat ay hindi nabibigyan ng day-off. Dagdag pa sa kalbaryo nila nang malaman nilang hindi ibinabayad ng kumpanya at agency ang mga kontribusyon nila sa SSS, Philhealth at Pag-ibig. Iniipon sana nila ito para sa pagkakasakit o pagtanda.
Dumulog ang mga manggagawa sa Department of Labor and Employment (DOLE) at noong Septyembre 7, 2018 ay nag-inspeksyon naman ang DOLE sa loob ng kumpanya. Pinagtibay ng inspeksyon na ang PEPMACO ang siyang may direktang kontrol sa makinarya at sa mga empleyado at hindi ang manpower agencies na kinuha nila para mag-hire sa mga tao. Gayundin, pinatotohanan ng inspeksyon ang samu’t-saring paglabag sa Occupational Health and Safety Standards ng kumpanya. Wala pong maayos na lalagyan ang mga kemikal, hindi maayos ana bentilasyon at kulang sa tamang PPE. Wala rin pong doktor sa loob ng pabrika.
Dahil nga po sa ganitong kadusta-dustang kalagayan, gaya rin ng ginawa nila Cardo sa ‘Ang Probinsiyano’, nagkaisa at kumilos ang mga manggagawa. Sila ay nag-organisa ng unyon noong ikalawang hati ng 2018. Pormal na nairehistro ang PEPMACO Workers Union (PWU) sa DOLE noong Enero 29, 2019. Ngunit hinarap naman ng manggagawa ang bagong serye ng tanggalan at pagmamanman sa lahat ng kanilang galaw.
Lola Flora, batid po naming alam ninyo na ang paglaban sa pang-aapi ay makatarungan gaya ng krusada ni Cardo. Ang pag-uunyon na batayang karapatan ng mga manggagawa ay kinilala rin ng Santo Papa, si Papa Francisco, bilang sandata para mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa.
Kumakatok kami sa inyong butihing puso, sa mga katulad ninyong mga personahe, bilang endorser, mamimili, mamamayang Pilipino – na magamit ang inyong kapangyarihan at impluwensya para mapabuti ang kalagayan ng manggagawa ng mga produktong inyong itinataguyod. “Tapat po sa inyo”, iyan po ang sabi ng CHAMPION. Ang katapatan ay hindi lamang po para sa mga mamimili kundi lalo’t higit dapat, para sa mga lumilikha ng kanilang produkto.
Naniniwala po kami na kung mapapagkaisa po ang kapagyarihan ng mga mamimili at mga endorser nito gaya ninyo, hindi lamang nito mapapataas ang kita ng isang kumpanya, kundi kaya rin nitong baguhin ang kalagayan rin ng mga gumagawa ng produkto. Malaki po ang magagawa natin para baguhin ng kalagayan nila.
Hindi po naghahangad ang mga manggagawa nang malaki. Hindi sila nagbuo ng unyon para ipasara ang kumpanyang kanilang pinapasukan na siyang laging katwiran ng mga negosyante para palabasing masama ang mga unyon. Ang nais lamang nila ay magkaroon ng makatwirang parte sa bunga ng kanilang pinaghirapan, maging regular ang mga kontraktwal, kilalanin ang pagkakaisa sa unyon, maging ligtas ang trabaho at mapabuti ang kanilang kalagayan sa loob ng kanilang pinapasukan. Gusto nilang ituring sila bilang TAONG MAY DANGAL SA PAGGAWA.
Lola Flora, butihing lola ni Cardo Dalisay, taga-subaybay niyo po ang mga manggagawang ito. Sana ay hindi sila mabigo. Ayaw rin po nilang madungisan ang inyong magandang imahe dahil lamang sa pagkasakim ng iilan.
Bukas po ang mga manggagawa na makipagtalakayan at kwentuhan sa inyo ng personal.
Maraming salamat po at inaasahan namin ang inyong pakiisa at suporta!
Lubos na gumagalang,
Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR)