Mensahe ng Pakikiisa sa Daluyong
Ang Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), isang non-government organization na sumusuporta sa mga manggagawa sa pormal at di-pormal na sektor ng ekonomiya para isabuhay ang kanilang mga karapatang pangmanggagawa at pantao, ay mahigpit na nakikiisa sa ating lahat na narito ngayon at sa ating mga kapanalig. Makabuluhan ang layunin ng ating pagtitipon – ang paglaya ng mga aktibista ng kilusang paggawa na nakakulong ngayon bilang detenidong pulitikal.
Sa bilang ng CTUHR, mayroon ngayong 30 detenidong pulitikal mula sa sektor ng paggawa. Noong natapos ang rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo noong 2010, iisa lamang ang detenidong pulitikal mula sa kilusang paggawa. Noong matapos ang rehimen ni Noynoy Aquino noong 2016, lumobo ang bilang sa 10 detenidong pulitikal na galing sa kilusang paggawa. Napakarami ng nakakulong ngayon at kailangan nating paigtingin ang kampanya para sa kanilang kagyat na paglaya.
Nakakagalit na itinuturing na krimen, kung hindi man terorismo, ng gobyerno ang pagiging aktibista sa kilusang paggawa. Malinaw ang mga prinsipyo sa larangan ng paggawa na nakasaad sa Konstitusyong 1987: proteksyon sa lahat ng manggagawa, empleyo para sa lahat, pantay na pagkakataong makapagtrabaho para sa lahat. Karapatan ng mga manggagawa ang mag-unyon, kolektibong makipagtawaran, kumilos nang sama-sama, maging magwelga. Karapatan din nila ang seguridad sa trabaho, makataong kalagayan sa paggawa, nakabubuhay na sahod, paglahok sa mga prosesong lilikha ng mga patakaran at desisyon kaugnay ng kanilang mga karapatan.
Ginagarantiyahan ang mga karapatang ito ng mga manggagawa para tiyakin ang disenteng pamumuhay ng kanilang mga pamilya. Bukod pa diyan, ginagarantiyahan ang mga karapatan para magkaroon ng demokrasya sa lipunan – ang paghahari ng mga mamamayan, na siyang gusto ng Konstitusyong 1987. Bahagi ng mayorya sa lipunan ang mga manggagawa, at kung wala silang karapatang mag-unyon, magpahayag at iba pa, walang demokrasya – ibig sabihin, iilan ang patuloy na maghahari sa lipunan. At kapag ganoon, walang mapayapang paraan ng pagresolba sa mga tungalian sa bansa, na natural namang sumisibol saanmang lipunan.
Kaya hindi labag sa batas, hindi krimen, at lalong hindi terorismo, ang isulong ang karapatan ng mga manggagawa. Bahagi iyan ng mga batayang prinsipyo at hangarin ng kasalukuyang lipunan. Bahagi iyan ng pag-aasam ng lipunang ito na igalang ang mga karapatan at magkaroon ng demokrasya at kapayapaan. Sa pagsasabuhay sa mga karapatang iyan, naipaglaban ng mga manggagawa ang maraming batas at patakaran na nakakabuti sa kanila, kahit pa marami sa mga ito ang hindi ipinapatupad. Nagawa nilang magtayo ng mga unyon para isulong ang kanilang mga karapatan. At nag-ambag sila sa paglaban sa masasamang gobyerno sa bansa.
Mahalaga ang papel ng mga alagad ng sining sa hanay ng paggawa, kaakibat ng mga aktibista sa kilusang paggawa, para palaganapin ang mga prinsipyong ito at isulong ang karapatan ng mga manggagawa. Marami sa mga prinsipyong ito ang pilit isinasantabi ng atakeng neoliberal sa kilusang paggawa at programang kontra-insurhensya ng gobyerno na nagpapakilalang kontra-terorismo. Sa pagsisikap ng kilusang paggawa ngayon na muling magpalakas, kailangang tuluy-tuloy at malakas na labanan ang gahum o hegemonya ng mga maka-kapitalistang at kontra-manggagawang kaisipang ito sa kamalayan ng masang manggagawa at mamamayan.
Bilang pagtatapos, pangalanan natin ang mga detenidong pulitikal mula sa kilusang manggagawa. Sa pagbanggit ko sa mga pangalan nila, sabihin natin: Palayain! Ipaalala at iparamdam natin sa kanila na hindi natin sila nakakalimutan at patuloy tayong nagkakaisa at kumilos para ipaglaban ang kanilang kagyat na paglaya.
Marklen Maojo B. Maga (Kilusang Mayo Uno o KMU, Pebrero 22, 2018)
Juan Alexander “Bob” Reyes (Sandigan ng mga Manggagawa sa Quezon City, dating Confederation for Unity, Respect and Advancement of Government Employees o COURAGE, June 2, 2018)
Oliver Rosales (dating COURAGE, August 11, 2018)
Rowena Rosales (dating COURAGE, August 11, 2018)
Antonietta Setias-Dizon (dating COURAGE, September 17, 2018)
Adelberto Silva (National Democratic Front of the Philippines o NDFP consultant, labor organizer, October 17, 2018)
Ireneo Atadero (KMU, October 17, 2018)
Julio Lusania (KMU, October 17, 2018)
Ricky Canete (National Federation of Sugar Workers o NFSW, December 19, 2018)
Renante Gamara (NDFP consultant, labor organizer, March 20, 2019)
Joel Guillero (NFSW-Negros, September 18, 2019)
Leon T. Charita (NFSW, September 18, 2019)
Bienvenido M. Ducay (NFSW, September 18, 2019)
Imelda Sultan (NFSW, October 31, 2019)
Gaspar Davao (NFSW, June 9, 2020)
Ramon Rescovilla (Condor-Piston, September 6, 2020)
Romina Astudillo (KMU-Metro Manila, December 10, 2020)
Mark Ryan Cruz (KMU-Metro Manila, December 10, 2020)
Jayme Gregorio, Jr (KMU-Metro Manila, December 10, 2020)
Isaias Genorga (Piston-Caraga, February 5, 2021)
Arnedo Laguinas (Lakas ng Manggagawang Nagkakaisa sa Honda Cars-OLALIA-KMU, March 4, 2021)
Esteban Mendoza (OLALIA-KMU, March 7, 2021)
Eugene Eugenio (COURAGE-Rizal, March 7, 2021)
Florencio Viuya (Workers Alliance of Region 3 (WAR-3)-KMU, March 29, 2021) Teresa Dioquino (KMU, June 2, 2021)
Marlon Torres (Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan o Pamantik-KMU, June 2, 2021)
Benny Jilamon (KMU, June 2, 2021)
Nolan Ramos (KMU, June 2, 2021)